Nagulat ka ba? Siguro akala mo naligaw ka ng pahina. Siguro lang. Gaya ng naisulat ko dito, simula ngayong Agosto lingguhan akong magsusulat sa Wikang Filipino. Naisipan ko ito dahil medyo nakakasabik magsalita at magsulat sa sariling wika kapag ikaw ay dayuhan sa ibang bansa. Naninibago at kinakabahan ako hindi dahil inglesera ako, dahil marami ng naging transisyon sa kwalidad ng pananagalog ko.
Ipinanganak ako sa isa sa mga siyudad sa Pilipinas, na ipinangalan kay dating Presidente Manuel Quezon. May mga naging kalaro akong inglesera, batang lansangan, iba iba sila. Lumipat kami sa Laguna ilang buwan bago ang ika-5 kaarawan ko. Wala akong gaanong ibang kalaro bukod sa mga pinsan ko. Kaya naisipan ng mga magulang ko na isaling pusa ako sa unang baitang kahit hindi pa ako nag-kinder. Wala munang bayad na matrikula. Noong sinabi ng gurong tagapayo na nakakasunod ako sa mga leksyon, naging regular na estudyante na ako. (Yun ang dahilan kaya 19 pa lang ako noong huling taon ko sa kolehiyo. Hindi po ako henyo at minadaling ilipat sa mas mataas na baitang gaya ng inakala ng ibang kaklase ko.)
Sapagkat lumaki ako sa Laguna, sa Rehiyon ng Timog Katagalugan, ako ay naging matatas sa pananagalog. Magaling ang mga naging guro ko sa asignaturang Filipino. Alam ko kung kelan ko gagamitin ang rin at din, ang gamit ng pang angkop, at iba pa. Pero noong ako ay tumuntong sa kolehiyo, madaming naging impluwensya sa aking pananalita. Nabawasan ang katatasan.
Sa Pamantasan, madami akong naging kaibigan, kagrupo, kaklase na galing sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Nagkaroon ng transisyon sa aking pagsasalita ng wikang Filipino. Nahaluan ng Tagalog istayl Ilonggo, Ilokano, Kapampangan, Manilenyo, Bicolano, at marami pang iba. Karagdagan pa ang mga naging kaklase ko sa Edukasyong Pampisikal na mga Koreana. Ang lahat ng ito ay mahalagang yugto sa aking buhay estudyante. Natuto ako ng iba’t ibang kultura kasama na ang simpleng kaalaman sa kanilang pananalita.
Noong bakasyon pagkatapos ng aking unang semestre sa kolehiyo, nagkrus ang landas namin ng isang kapanabayan* ko nung haiskul. Magkaiba kami ng Pamantasan. Nagulat ako sa aming pagkwekwentuhan/pagdadaldalan. Naku, anong nangyari sa dila niya? Bakit hindi na sya marunong mag Filipino? Natuwa ako imbes na mainis kasi parang magandang pagbabago yun, hindi ba? Isipin mo isang semestre pa lamang na nahipan ng Maynila ang dila niya, ang laki na ng pagbabago.
Kada pagkatapos ng isang semestre nagkukrus ang landas namin (hindi namin sinasadyang magkita). Hanggang may pagkakataon na parehong pareho na kame ng lengguwahe. Ibig sabihin, ang mga pagbabagong iyun ay hindi namin sinasadya o kaya’y nabantayan. Mayroong nauunang maimpluwensyan, mas madaling makibagay. Hindi lamang sa pananalita. Nang lumaon, natutunan ko ng makibagay depende sa kung sino ang kausap ko.
Nang ako ay nagsimula ng magbanat ng buto, mas maraming naging hamon at impluwensya sa aking pananalita. Sa uri ng aking propesyon, ako ay naging panloob at panlabas na tagasuri**, maraming ulat na kailangang gawin. Natutunan ko ring makibagay sa iba’t ibang panlasa ng taga-basa at taga-gamit ng aking ulat. Masaya pag nakukuha ko agad ang kanilang kiliti. Karagdagang sikap (na mas masaya) habang hinahanap ko pa ang kanilang eksaktong panlasa.
Sa pagpunta ko sa ibang bansa nitong Enero para sa parehong propesyon, madami na namang naging transisyon sa aking pananalita. Sa pagbaybay, salitang pangdiwa, ibang iba. Sapagkat ang ginagamit dito ay Ingles ng Britanya, iba sa aking nakasanayang Ingles ng Amerika. Nag iba na rin ang aking punto, sapagkat iba’t iba ang aking nakakausap. Nagagaya ko ang puntong Britanya, Gulpo, Indyan, Canadian, at iba pa. Nang minsan nakausap ko ang isang kababayan, nagulat siya dahil iba na akong magsalita, wala na ang puntong kayumanggi. Nagulat din ako. Kasi hindi ko na naman nabantayan at namalayan ang mga pagbabago.
Nagkaroon ng Ispesyal na bakasyon ilang buwan na ang nakakaraan, inimbitahan ako (at ang ilang kababayan na kasamahan ko sa departamento) ng isang grupo ng ibang lahi sa pagpunta sa isang magandang isla dito. Nagpahindi ako dahil may iba na akong plano. Hindi ko makakalimutan ang pabirong dahilan ng isang kababayan, “Ayoko ngang sumama. Walang pasok, pagkakataon ko ng hindi mag Ingles. Hindi ako gaanong magsasaya sa isla, katakut takot na Ingles-an na naman.” Hahaha. Oo nga naman.
Ikaw? Anong naalala mo habang binabasa mo ito?
Salamat sa pagbasa mo ng unang pagsubok ko na mag blog sa wikang Filipino. Marami pang butas, hindi ito perpekto, kaya huwag kang mahihiyang magkomento kung may mali sa pananagalog ko, ha? Basta, bawal ang Ingles pag nagkomento ka. =)
(*batchmate, **internal and external auditor)
http://static.addtoany.com/menu/page.js