Ang Undas ay mas kilala sa tawag na Araw ng mga Patay o Todos Los Santos (na may kaakibat na birong “Todas” imbes na “Todos”). Nakaugalian itong tawaging Undas sapagkat ito ay inoobserba sa unang (mula sa salitang “uno”) araw ng Nobyembre. Ito ang unang pagkakataon na hindi ako nag obserba ng Undas sa Pilipinas. Sa pagkakaalala ko, simula limang taong gulang ako hanggang noong 2007, ay walang palya ang aming pagdalaw sa sementeryo tuwing araw ng patay.
Ang labi ng aming mga mahal sa buhay (mother side) ay sentralisadong nakalibing sa Laguna. Ilang linggo bago sumapit ang Undas ay ginagawa ang lahat ng preparasyon bukod sa paglilinis ng hantungan. Nakalakihan ko na ito ay masayang pagkakataon para sa aming pamilya. Ito ay isa sa mga magandang pagkakataon para makita ko ang aking mga malalayong kamag anak. Nalalaman namin kung may bagong miyembro sa kanilang pamilya (anak, napangasawa, at iba pa; Dati ilang beses nila akong sinabihan nang “ikaw na ba yan? Ang laki laki mo na at lalo kang gumanda.” Haha. Biro lang. May mga taon kasi na bigla ang aking pagtaas at pagbabago ng hitsura. Noon namang dalaginding na ako at tinitighiyawat, kung anu-anong payo ang sinabi nila). Nakapagbabalitaan nang mga nangyari at nagboboluntaryo ng impormasyon at tulong lalo na kung kinakailangan.
Kaharap ang mga pagkaing dala ng iba’t ibang pamilya, para itong munting pagpipiging (reunion). Nakasisiguro kami na natutuwa ang mga yumao na masaksihan ito. Nakakakilabot isipin, pero kung nakakapagsalita lamang sila, ay malamang na sasali sila sa aming kwentuhan at kulitan. Lalo na sa mga parteng sila ang aming pinag uusapan. Ang mga impormasyon at kwentuhan sa sementeryo ay pinapagpasa-pasahan na ng ilang henerasyon. Sinasagot namin ang tanong nang mga nakababata, habang iniipon namin ang mga tulo ng iba’t ibang kulay nang kandila. Kinokorte namin itong pabilog at nilalagyan ng disenyo.
Sapagkat lumalaki ang populasyon nang aming lahi at hindi na ito kakasya sa aming munting museleo, nagkaroon ng oras sa pagbisita at pagbabantay sa sementeryo. Subalit bago o pagkagaling sa sementeryo ay dumadaan ang lahat sa home base (bahay nang pinakapanganay na kapatid ng aking nanay) para sa simpleng salu salo at kwento. Ang age bracket namin ay naka schedule nang alas 3:00 ng hapon. Naaalala ko nung nasa haiskul at kolehiyo ako, ito ang isa sa mga perpektong pagkakataon para makita ko ang mga dati kong kamag aaral, mga kaibigan at kasama na rin ang pagsilay namin sa mga dati naming crushes.
Bandang alas 6:00 ng gabi ay nasa bahay na kami. Nanonood kami nang taun taong Magandang Gabi Bayan (noong panahon pa ni Noli De Castro) feature tungkol sa mga aswang, engkanto, at kung anu-ano pa. Sa bahay ay magtitirik muli kame ng mga kandila hanggang sa mag ika-2 ng Nobyembre na. Bukod dito, nagpapalitan rin kame ng kwentong katatakutan na naranasan namin mula pagkabata. Ang pagdalaw sa akin sa panaginip ng lolo at lola ko, ang pagpaparamdam na naranasan nila mula sa mga kamag anak naming yumao, at iba pa. Ito ay kwentong pinagpasa-pasahan, na kahit iba’t iba ang aming mga paniniwala, ay mananatiling bahagi nang aming tradisyon at pamilya. At syempre pa, pagkatapos nang mga kwentuhan, paligsahan na ng mga duwag sa pagtulog ang kasunod.
Ilang milya at 8 oras na paglipad ang layo ko sa Pilipinas ngayon. Muli kong naranasan ang homesickness. Hindi nila inoobserba ang Undas dito sa Emirati. Pagkagaling ko sa misa at pagkatapos mamili nang ibang gamit kanina ay nasa bahay lamang ako. Mabuti na lamang at mayroon nang cellphone, computer at iba pang sangay nang teknolohiya, naramdaman ko na kasama nila ako ngayong Undas.
Kumusta ang paggunita mo nang Undas? Sana ay hindi natin nakalimutan ang tunay na diwa nito.
0 thoughts on “Kwentong Kayumangi # 7: Undas”
Jeanny
Simula noong ako ay nag asawa, tuwing undas ay nagpupunta kami sa Manila Memorial dito sa Sucat upang dalawin ang kanilang ama. Napakaraming tao. Kanina nga me nakita kaming umiiyak na bata dahil nawawala daw sya Kaya dali syang hinatid sa paging area ng aking esposo. Sana nakita na nya mga magulang nya.
Bagamat maraming tao at napaka traffic magpunta doon, alam ko masayang masaya ang aking mother-in-law kasi nadalaw na naman nila ang kanilang butihing haligi ng tahanan na kumpleto silang mag-anak. Pag ordinaryong araw kasi hindi nagtutugma sched nila sa pagdalaw eh.
Happy Sunday Wits
Jeannys last blog post..Seven Random Things About Me!
LikeLike
BlogusVox
Ang akala ko, ang “Undas” ay hango sa Espanyol na ang ibig sabihin ay alon o “wave”. Sa amin naman, hindi kumpleto pag walang “biko”. Kaning malagkit na niluto sa arnibal at mi halong konting luya. Saaraap : )
LikeLike
kg
Naaalala ko pa ang “Magandang Gabi Bayan” days. Talagang inaabangan ang episode tuwing November 1…
LikeLike
sheng
Oh yeah, me too, inaabangan ko ang MGB with Kabayan hosting the program, it was so creepy. Kami naman, we don’t have the time yet to visit our dearly departed(s) kasi kakabalik lang namin from the vacation, I am back!
LikeLike
maidapaypay
alam mo it’s true. undas here is really like a reunion. i really hope that this tradition will continue. sana hindi ma overpower ng trick or treat! haha 🙂
maidapaypays last blog post..Summer Salad
LikeLike