Nabanggit ko rito ang pagdating ng mahigit kumulang 200 na Pinoy taxi drivers sa Abu Dhabi. Marami ang natuwa nang magdesisyon ang Tawa Sul Car Company na mag empleyo ng mga Filipino. Oportunidad. Noong isang linggo, sa magkaibang pagkakataon, may nakausap akong dalawang Pinoy na empleyado-drayber para sa naturang kompanya. Noong nasa Pilipinas pa ako, may pagkasuplada (o sabihin nating pagiging maingat) ako sa mga hindi ko kakilala. Pero nang nangibang bansa ako, kahit hindi ko kakilala at nginitian ako o binati ay malugod ko ring binabati.
Ayon sa unang Pinoy drayber, masayang masaya sila sa mga kundisyon na nakalagay sa kanilang kontrata. Libre ang bahay, may buwanang sweldo at libreng tiket pauwi. Para sa dalawang taon ang kanilang kontrata. Hindi natupad ang napag usapang buwanang sweldo. Kung ano ang sosobra sa kanila boundary, iyon na lang ang mapupunta sa kanila. May ilan sa kanila na nagsumbong sa Labor Office. Ngunit ang payo ng Filipinong opisyal ay bumalik na lamang sa employer. Wala silang magagawa. Ang mangilan ngilan na hindi makatiis ay umuwi na sa Pilipinas ngunit sariling gastos nila. Tinanong ko sya kung may plano syang umuwi na rin. Wala raw. Kahit hindi nasunod ang napag usapan, mas magaang pa rin daw ang buhay dito at nakakaipon sya.
Ang pangalawang drayber ay ganun din ang sinabi. Ang pagkakaiba nga lamang ay walang bahid ng sama nang loob sa kanyang boses. Mararamdaman ang pagiging kuntento sa kanyang sitwasyon. Kahit pa diretsahang panlalamang ang nangyari. Malugod nyang inihayag ang mga tulong na nagawa na nya para sa kanyang pamilya at kamag anak kahit pa tatlong buwan pa lamang sya rito.
Hindi lamang ang mga OFW-drayber ang may problemang ganito. At sa ibang parte nang mundo ay posibleng nangyayari ito. Mayroon ding empleyado sa iba’t ibang kompanya na hindi naman nasusunod ang ipinangakong libreng tiket para taunang bakasyon. O kaya naman ay nababago ang suma ng buwang pasweldo.
Sa kabila nang lahat, nagsasawalang-kibo ang mga Pinoy sapagkat hindi sila maipagtanggol ng kinatawan ng Pilipinas sa embahada. At gaya nga nang sinasabi ng karamihan, dehado man sila ay mas gusto pa rin nilang manatili sa ibang bansa dahil sa naikumpara nila ang gaan at hirap nang pagkita sa Pilipinas. Ang masakit na katotohanan, kahit na nasa sariling bayan sila ay lalong hindi sila ligtas sa panlalamang.
0 thoughts on “Kwentong Kayumangi # 6: Dehado”
ReD
Ang sakit pakinggan ng mga sinabi ng mga drayber… Parang minsan, di mo matanggap na ganyan ang nangyayari sa ating bansa. Bukod pa roon, ang hirap isipin na “Oo nga naman, mas mabubuhay pa tayo kung mangingibang bansa kaysa kapag nandito sa ating bansa kung saan tayo ay hikahos at puno ng takot para sa ating kinabukasan…”
Kailan kaya tayo magbabago ng kapalaran? Napanood ko ang palabas na “Three Kingdoms” at sabi doon, “Man can conquer destiny…” Naisip ko, kung kapalaran man natin ang maghirap, siguradong kaya din nating talunin ang kapalaran na yun at maging maunlad… Nasa sa atin na din yun…
hayz.
ReDs last blog post..Soaking Wet, No Sleep, Thanks for the Gift…
LikeLike
Angeli Picazo
Napangiti ako sa kataga mong ito:
“Noong nasa Pilipinas pa ako, may pagkasuplada (o sabihin nating pagiging maingat) ako sa mga hindi ko kakilala. Pero nang nangibang bansa ako, kahit hindi ko kakilala at ngitian ako o binati ay malugod ko ring binabati.”
Ganyang ganyan din ang sinabi sa akin ng isa kong kaibigan. Mula daw ng nagtrabaho sya sa isang dayuhang bansa, nagbago ang paningin niya sa mundo at ang pakikitungo niya sa iba.
Gustong gusto ko ang mga sinusulat mo gamit ang ating sariling wika. 🙂
LikeLike
BlogusVox
Nangyayari din yan dito. Ang na obserbahan ko lang, ang mga biktima ay mga kababayan natin sa “skilled” at “unskilled” labor. Hindi ito nakapagtataka dahil sinasamantala nila ang kamangmangan ng mga ito pagdating sa usaping teknikal ng kontrata. Kung minsan walang magawa ang ating “labor attache” dahil alam nilang walang laban pagdating sa husgado dahil lamang sa kapirasong papel na nilagdaan ng biktima.
BlogusVoxs last blog post..Fasting Fever
LikeLike
odette
para sa akin, maganda ang work attitude ng mga pilipinong nagpaiwan pa rin, di man ganun kaganda ang nangyari sa ipinangako sa kanila. mas malayo ang mararating nila, kung marunong silang mag-tiis at maging masaya sa konting biyaya na natatanggap nila sa ngayon. wala din naman mapapala pag umuwi sila.
odettes last blog post..simply kids furniture
LikeLike
Jeanny
Oo nga naman..uuwi sila ng walang pera. Malungkot yun para sa pamilya nila. Bagamat mahirap para sa drayber ang manungkulang sa ibang bansa, bagamat hindi nasunod ang kontrata, nag titiis pa rin sila dahil mas mahirap nga naman dito sa ating bansa.
Ako kung pagpipiliin, nais kong dito na lang mag hanapbuhay ngunit pag nabigyan ng magandang pagkakataon na maghanapbuhay sa ibang bansa, bakit hindi.
Jeannys last blog post..Random things on a weekend!
LikeLike
witsandnuts
Pinakamasaya pa rin mag settle sa Pilipinas. Kaya hindi nakakagulat na maraming bumabalik, pagkatapos nilang makapag ipon.
LikeLike
inhinyero
iyong mga ahensya sa pilipinas ang dapat sisihin sa ngyari sa kawawang kabayan natin na nangarap na guminhawa ang buhay. totoong niloko sila at pinagkakitaan. may nakausap din ako isang tsuper ng tawasul, igorot pala siya kaya hindi makapagsalita ng direchong tagalog. ramdam ko ang galit at lungkot habang nagpipilit siyang ipaliwanag ang naging karanasan niya. marami na sa kanila ang umuwi ngunit piniilit niyang tumigil at magpilit na kumita para mabayaran niya ang ginastos niya sa pagkuha ng trabaho.nakakalungkot isipin dahil wala man lang magawa ang gobyerno para maiwasan ang ganitong pandaraya sa mga kapwa pinoy.
LikeLike