Masaya ako sapagkat sabado ngayon. Karamihan sa mga opisina sa UAE ay walang pasok tuwing biyernes at sabado, ito ang aming weekend. Sapagkat linggo na bukas, mababago na uli ang oras ng aking pagkain.
Nagsimula na ang Ramadan noong Setyembre 1, lunes. Ito ang pinakaaabangang sandali ng mga Muslim. Ayon sa Kalendaryo ng Islam, ang ika-siyam na buwan ang tinutukoy na panahon kung saan ang Qur’an ay inilahad kay Anghel Gabriel, na inilahad naman sa Propetang si Muhammad. Isang buwang ipinagdiriwang ang Ramadan. Kung kaya noong Agosto 31, namahagi sila ng minatamis (sweets) gaya ng nasa larawan sa itaas, bilang pagpapakita ng kanilang kasiyahan. Tinikman ko ito, lasang chocolate mousse.
Sa tuwing Ramadan, ang mga Muslim ay hindi pwedeng kumain simula bukang liwayway (dawn) hanggang takipsilim (sunset). Sapagkat ako ay Katoliko, hindi ko ito inoobserba lalo na noong ako ay nasa Pilipinas pa. Ngunit ngayong ako ay nasa Abu Dhabi na, hindi na ganoon kasimple ang lahat.
Ako ay nakahimpil ngayon sa opisina ng aking kliyente (client based), kung saan karamihan ay lokal at Muslim ang empleyado. Ako lamang ang Filipino doon. Kung kaya’t ako ay parang nag aayuno (fasting) rin. Ang sino mang Muslim na makikitang kumain o uminom nang kahit ano ay ikukulong at hahagupitin ng latigo. Ang mga buntis, batang may edad na 6 na gulang pababa, at iyong may mga karamdaman ay hindi obligadong mag ayuno. Hindi lamang ito pag aayuno sa pagkain at pag inom, gayun din sa pag iisip nang masama at sekswal na gawain. Nakakatuwang makita ang reaksyon nang mga katrabaho kong Muslim. Magandang marinig mula sa kanila na alam nila ang dahilan ng kanilang pag aayuno. Pinaniniwalaang ang kanilang sakripisyo ay may magandang kapalit. At ito ang panahon kung saan mayaman o mahirap man na Muslim ay pantay pantay lamang – hindi sila pare parehong kumakain. Tama ring isipin na ito ay isa sa mga pinakamagandang pagkakataon para makahalubilo sila, sapagkat puro kabutihan ang kanilang iniisip. Kaya pala noong nadestino kami sa Cotabato noon, itinapat na Ramadan para mas malaki ang tsansa nang kaligtasan namin. Medyo magulo kasi noon doon.
Nababago rin ang oras ng opisina sa tuwing Ramadan. Karaniwan ay nababawasan ito nang 3-4 na oras. Tama lamang iyon. Napakahirap nga namang gumana nang isip at kumilos nang walang laman ang iyong sikmura.
Subalit dahil ako ay Katoliko, ako ay inobliga ng kliyente na magtrabaho pa rin nang normal na haba ang oras. Walang namang problema roon. Ang ginagawa ko ay kumakain na ako nang mabigat na almusal (heavy breakfast) sapagkat ang susunod ko ng kain ay sa hapunan (dinner). Noong unang dalawang araw, naririnig ko ang tunog nang aking tiyan kapag alas dos o alas tres na ng hapon. Naranasan mo na ba iyong ganun? Iyong nakakahiyang tunog kapag kumakalam na ang sikmura?
Okey lang sa akin ang hindi kumain nang pananghalian. Subalit nakakapanghina pala kapag wala akong iniinom na kahit anong likido mula alas 7:30 ng umaga hanggang alas 6:00 ng gabi. Sarado kasi ang pantry . (Masaya ang mga taga timpla ng kape at taga silbi ng pagkain. Magaang na ang trabaho nila sa buong Setyembre.) Pwede akong magbaon ng tubig. Subalit kailan (at hindi paano) ko ito iinumin?
Lilinawin ko lang. Hindi naman kami bawal uminom at kumain. Pero kailangan gawin mo ito nang patago (discreetly). Syempre, bilang respeto sa mga nag aayuno. Nakakaasar ang pakiramdam kapag tinatakam ka, hindi ba? Maswerte ang ibang mga kasamahan ko na malayang nakakainom at nakakakain sapagkat nasa isang lugar sila at nagsasara na lamang sila nang pinto. Subalit ako ay may kaparte sa aking kwarto, at syempre pa, imposibleng hindi nila maamoy at marining ang aking pagnguya. Ako kase pag gutum na gutom na, lalong nagiging malakas ang pang amoy at pandinig ko.
Naaala ko tuloy ang huling lingo nang pananghalian ko. Buti na lang naidokumento ko ito.
Mushroom jack, arabic bread, spicy seafood rice, zaayat (arabic food), chicken burger at fries, at tuna sandwich na ang sukat ay 3/4 mula sa siko ko hanggang sa dulo ng mga daliri ko sa kamay.
Ang istilo ko ngayon ay pupunta ko sa palikuran (CR) at kukunin ang isang mini-size na snickers, cadburry, o kahit anong tsokolate kapag alas dos na ng hapon. Kakainin ko iyon habang ako ay nakaupo sa trono (bowl). Pagkatapos noon ay solved na ako. Sa mga hindi nakakaalam, adik ako sa tsokolate. Iyan ang ultimate energy booster ko. Mabuti na lamang at mabango at malinis sa loob ng palikuran. Hindi ko inakalang isang araw ay matututo akong kumain sa lugar na ito. Nangingiti ako kapag naiisip ko ito. Sapagkat linggo na bukas, may pasok na kami. Pinag iisipan ko kung may mini-size na lalagyan nang tubig na pwede ko mailagay sa bulsa o blazer. Hehe. Bahala na.
Ang mga realisasyon ko:
- Kahanga hanga ang disiplina nang mga taong taus-pusong nag aayuno;
- Hindi na baleng huwag akong kumain, basta mayroon akong iniinom na tubig;
- Kumain tayo nang responsable, isipin natin ang mga taong naghihirap at nagugutom;
- Kapag may taong nagtatagal sa palikuran, hindi konklusibo na siya ay nag oorasyon. Baka palihim syang ngumunguya kagaya ko;
- Tamang tama, papayat ako dahil nadidiyeta ako;
- Mag ingat sa taong gutom, hindi lahat nakakapag isip nang maayos. Hehe. Wala pa naman akong nakitang uminit ang ulo;
- Ang malas na pagkakataon ay kung gutum na gutom ka na, may makakasalubong ka pang may masansang na amoy. Hahaha. Mabango naman silang lahat sa opisina nang kliyente ko; at
- Ikaw, ano pang naiisip mo?
0 thoughts on “Kwentong Kayumangi # 5: Kung kaya’t natuto akong kumain sa palikuran (CR)”
Panaderos
Very challenging pala pag ganitong panahon diyan. Hirap din akong magtrabaho at mag-isip pag kumakalam ang sikmura ko. Hindi ko kaya. Ok lang na mag-overtime ako ng ilang oras as long as may makakain ako.
Ingat ka at good luck. Mukhang may ilang linggo pa yata ang bubunoin mo diyan.
Panadeross last blog post..A Little Housekeeping
LikeLike
BlogusVox
Kawawa ka naman at bilib ako sa tapang ng sikmura mo. Ang kainaman dito sa amin ay nasa labas lang nang bakod ng aming opisina ang gusaling aking tinutuluyan. Kaya pagsapit nang tanghali, umuuwi muna ako at doon kumain.
Totoong marami sa kanila ang nag aayuno ng tunay. Pero meron ding binabaliktad lang ang umaga at gabi.
BlogusVoxs last blog post..Educating Bea (Part II)
LikeLike
witsandnuts
Kakainggit naman. Pwede ka mananghalian. 😉
LikeLike
rhea
Nakakarelate ako dito. Tumira ako sa Saudi at sa twing sasapit ang Ramadan, ay ginagalang namin ang kanilang tradisyon at kumakain kami ng patago. Tulad ng titulo ng sinulat mong ito, ang tatay ko ay sa palikuran din kumakain kapag nasa opisina sya. Mahirap pero nandun tayo sa bansa nila kaya dapat lang natin obserabahin at galangin ang tradisyon nila. 🙂
rheas last blog post..pump it up!
LikeLike
witsandnuts
Heehee, kwento mo ko kay Dad mo. CR queen nako. 🙂
LikeLike
Pingback: Twilight Series | wits and nuts
Pingback: My first Ramadan in Abu Dhabi, UAE | wits and nuts