Nagulat ka ba? Siguro akala mo naligaw ka ng pahina. Siguro lang. Gaya ng naisulat ko dito, simula ngayong Agosto lingguhan akong magsusulat sa Wikang Filipino. Naisipan ko ito dahil medyo nakakasabik magsalita at magsulat sa sariling wika kapag ikaw ay dayuhan sa ibang bansa. Naninibago at kinakabahan ako hindi dahil inglesera ako, dahil marami ng naging transisyon sa kwalidad ng pananagalog ko.
Ipinanganak ako sa isa sa mga siyudad sa Pilipinas, na ipinangalan kay dating Presidente Manuel Quezon. May mga naging kalaro akong inglesera, batang lansangan, iba iba sila. Lumipat kami sa Laguna ilang buwan bago ang ika-5 kaarawan ko. Wala akong gaanong ibang kalaro bukod sa mga pinsan ko. Kaya naisipan ng mga magulang ko na isaling pusa ako sa unang baitang kahit hindi pa ako nag-kinder. Wala munang bayad na matrikula. Noong sinabi ng gurong tagapayo na nakakasunod ako sa mga leksyon, naging regular na estudyante na ako. (Yun ang dahilan kaya 19 pa lang ako noong huling taon ko sa kolehiyo. Hindi po ako henyo at minadaling ilipat sa mas mataas na baitang gaya ng inakala ng ibang kaklase ko.)
Sapagkat lumaki ako sa Laguna, sa Rehiyon ng Timog Katagalugan, ako ay naging matatas sa pananagalog. Magaling ang mga naging guro ko sa asignaturang Filipino. Alam ko kung kelan ko gagamitin ang rin at din, ang gamit ng pang angkop, at iba pa. Pero noong ako ay tumuntong sa kolehiyo, madaming naging impluwensya sa aking pananalita. Nabawasan ang katatasan.
Sa Pamantasan, madami akong naging kaibigan, kagrupo, kaklase na galing sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Nagkaroon ng transisyon sa aking pagsasalita ng wikang Filipino. Nahaluan ng Tagalog istayl Ilonggo, Ilokano, Kapampangan, Manilenyo, Bicolano, at marami pang iba. Karagdagan pa ang mga naging kaklase ko sa Edukasyong Pampisikal na mga Koreana. Ang lahat ng ito ay mahalagang yugto sa aking buhay estudyante. Natuto ako ng iba’t ibang kultura kasama na ang simpleng kaalaman sa kanilang pananalita.
Noong bakasyon pagkatapos ng aking unang semestre sa kolehiyo, nagkrus ang landas namin ng isang kapanabayan* ko nung haiskul. Magkaiba kami ng Pamantasan. Nagulat ako sa aming pagkwekwentuhan/pagdadaldalan. Naku, anong nangyari sa dila niya? Bakit hindi na sya marunong mag Filipino? Natuwa ako imbes na mainis kasi parang magandang pagbabago yun, hindi ba? Isipin mo isang semestre pa lamang na nahipan ng Maynila ang dila niya, ang laki na ng pagbabago.
Kada pagkatapos ng isang semestre nagkukrus ang landas namin (hindi namin sinasadyang magkita). Hanggang may pagkakataon na parehong pareho na kame ng lengguwahe. Ibig sabihin, ang mga pagbabagong iyun ay hindi namin sinasadya o kaya’y nabantayan. Mayroong nauunang maimpluwensyan, mas madaling makibagay. Hindi lamang sa pananalita. Nang lumaon, natutunan ko ng makibagay depende sa kung sino ang kausap ko.
Nang ako ay nagsimula ng magbanat ng buto, mas maraming naging hamon at impluwensya sa aking pananalita. Sa uri ng aking propesyon, ako ay naging panloob at panlabas na tagasuri**, maraming ulat na kailangang gawin. Natutunan ko ring makibagay sa iba’t ibang panlasa ng taga-basa at taga-gamit ng aking ulat. Masaya pag nakukuha ko agad ang kanilang kiliti. Karagdagang sikap (na mas masaya) habang hinahanap ko pa ang kanilang eksaktong panlasa.
Sa pagpunta ko sa ibang bansa nitong Enero para sa parehong propesyon, madami na namang naging transisyon sa aking pananalita. Sa pagbaybay, salitang pangdiwa, ibang iba. Sapagkat ang ginagamit dito ay Ingles ng Britanya, iba sa aking nakasanayang Ingles ng Amerika. Nag iba na rin ang aking punto, sapagkat iba’t iba ang aking nakakausap. Nagagaya ko ang puntong Britanya, Gulpo, Indyan, Canadian, at iba pa. Nang minsan nakausap ko ang isang kababayan, nagulat siya dahil iba na akong magsalita, wala na ang puntong kayumanggi. Nagulat din ako. Kasi hindi ko na naman nabantayan at namalayan ang mga pagbabago.
Nagkaroon ng Ispesyal na bakasyon ilang buwan na ang nakakaraan, inimbitahan ako (at ang ilang kababayan na kasamahan ko sa departamento) ng isang grupo ng ibang lahi sa pagpunta sa isang magandang isla dito. Nagpahindi ako dahil may iba na akong plano. Hindi ko makakalimutan ang pabirong dahilan ng isang kababayan, “Ayoko ngang sumama. Walang pasok, pagkakataon ko ng hindi mag Ingles. Hindi ako gaanong magsasaya sa isla, katakut takot na Ingles-an na naman.” Hahaha. Oo nga naman.
Ikaw? Anong naalala mo habang binabasa mo ito?
Salamat sa pagbasa mo ng unang pagsubok ko na mag blog sa wikang Filipino. Marami pang butas, hindi ito perpekto, kaya huwag kang mahihiyang magkomento kung may mali sa pananagalog ko, ha? Basta, bawal ang Ingles pag nagkomento ka. =)
(*batchmate, **internal and external auditor)
0 thoughts on “Kwentong Kayumangi #1: Ayoko munang mag Ingles”
BlogusVox
Iyan ang kainaman nang wikang Pilipino. Puweding hiramin ang isang dayuhang kataga, palitan ang pagbaybay at presto, atin na, katulad nang “transisyon” at “ispesyal”.
Pero hanggang ngayon hindi ko alam kung kelan gagamitin ang “rin” at “din” o “oho” at “opo”.
BlogusVoxs last blog post..Buhay Buhangin (series #5)
LikeLike
deuts
cguro mas marami ang hindi nakakaalam kung kelan gagamitin ang “ng” at “nang”. Sa totoo nyan, madami ang nagkakamali tungkol diyan.
deutss last blog post..Bullet Points: Starbucks, Photography, Sync Swimming, Eraserheads, Credit Card Debt Management
LikeLike
vangie
ginagamit ang “nang” kung ang sumusunod na salita ay pandiwa, pang-abay…..
ginagamit ang “ng” kung ang sumusunod na salita ay pangngalan
hal.: Si Erica Lorraine Menor ay gumagawa NG takdang-aralin sa oras na ito. (takdang-aralin ay isang pangngalan)
hal.: Si Ronalyn Menor Austria ay tumakbo nang mabilis (mabilis ay isang pang-abay, nag-uuri sa pandiwang ‘tumakbo’) (ahehe pasensya na kinopya ko nlng kasi sa wallpost ko yan sa fb..hope nakatulong) God bless!
LikeLike
deuts
Ang galing! At least meron talagang objective definition. hehehe
LikeLike
BlogusVox
Hindi ako sigurado pero di ba ginagamit ang “ng” pag ang paksa ay oras o araw?
BlogusVoxs last blog post..Buhay Buhangin (series #5)
LikeLike
witsandnuts
@BlogusVox: Ang totoo nyan, habang sinusulat ko ito kagabi ay hindi ko agad mahagilap ang tamang Filipino para sa mga katagang ‘transisyon’ at ‘ispesyal’, ganun din sa katagang ‘kwalidad’.
Ang ‘rin’ ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig (vowel) at ‘din’ naman kung ang sinusundan ay katinig (consonant). Ganun din ang gamit ng ‘raw’ at ‘daw’. Mga halimbawa:
“Maganda rin si Maria.”
“Masarap din ang tapsilog.”
Wala akong nalalaman na panuntunan sa tamang paggamit ng ‘oho’ at ‘opo’. Ang naituro sa akin ay gamitin ang ‘po’ at ‘opo’ biglang paggalang sa nakatatanda sa idad at antas sa buhay. Ito ay impluwensya ng mga prayle, galing sa salitang ‘poon’. Ang ‘oho’ ay naging pangalawang anyo ng paggalang. Sinasabing mas magalang ang ‘opo’ kaysa ‘oho’.
Pero sa modernong panahon, ang ibang kabataan ay gumagamit ng ‘po’ at ‘opo’ biglang pagpapakyut.
@Deuts: Totoo ‘yan. Nalilito rin ako minsan. Ang ‘nang’ ay ginagamit bilang mabilis na anyo ng katagang ‘noon’. Ang ‘ng’ ay ligtas na gamitin kung masasabi ng nagsasalita/nagsusulat na ang kataga ay hindi dapat maging ‘noon’ o kaya’y ‘nang’.
LikeLike
Angeli Picazo
Napangiti ako sa sinulat mo. Bihira akong makabasa ng nasusulat sa ating wika. Pilit kong iniisip kung ano ang “refreshing” sa Filipino. Ito ang naramdaman ko habang binabasa ko ang sinulat mo.
Maaari ko bang idagdag ang blog mo sa blogroll ko? Salamat ng marami. 🙂
Angeli Picazos last blog post..If I Marry
LikeLike
witsandnuts
Salamat at napangiti kita sa sinulat ko. Ito ay unang subok ko na mag blog sa purong Filipino. Sa isang linggo uli. 🙂
Hindi ko rin maisip ang eksaktong Filipino para sa katagang ‘refreshing’. Ang naiisip ko lang ay ang pandiwang ‘refresh’ na ang ibig sabihin ay palamigin, pahingahin. Ang konotasyon ng ‘refreshing’ ay ‘maganda sa pakiramdam’.
Oo, maaari mong ibilang ang wits and nuts sa blogroll mo. 🙂
LikeLike
BlogusVox
May natutunan na naman akong panuntunan sa Pilipino. Salamat sa iyong pag gabay kung papano gamitin ang “rin” at “din” sa salita. Pero malabo pa rin sa aking kaisipan kung kelan ginagamit ang “nang” at ang “ng”.
BlogusVoxs last blog post..Olympic Fantasy
LikeLike
witsandnuts
BlogusVox, bukod sa paggamit ng ‘nang’ bilang mabilis na anyo ng ‘noon’ o ‘noong’, ito ay ginagamit upang ilarawan or sagutin ang tanong kung paano ginawa ang isang pandiwa (verb). Maaaring gamitin ang ‘ng’ bilang normal na pandugtong at kung walang kailangang ilarawang pandiwa.
Mga halimbawa:
“Nang ako ay nagsimula ng magbanat ng buto, mas maraming naging hamon at impluwensya sa aking pananalita.” (ginamit ko ang ‘nang’ imbes na ‘noong’)
“Galingan mo nang husto ang pagsulat.” (ginamit ang ‘nang’ para ilarawan ang pandiwang ‘galingan’)
“Siya ay sumayaw nang walang kapaguran.” (inilarawan ang pagsayaw, pwede ring sinagot ang tanong na ‘paano’ siya sumayaw)
Narito ang isang halimbawa ng paghahambing sa paggamit ng ‘nang’ at ‘ng’:
“Nagtiis siya ng kalungkutan.”
“Nagtiis siya nang matinding kalungkutan.”
🙂
LikeLike
BlogusVox
Salamat sa iyong paliwanag.
BlogusVoxs last blog post..Olympic Fantasy
LikeLike
witsandnuts
Walang anuman. 🙂
LikeLike
lei
nakakatuwa naman ito. magaling! ang mahalaga naman ay naipahayag mo ang iyong saloobin at naunawaan ka ng iyong mambabasa. ngayong buwan nga pala ipinagdidiwang ang linggo ng wika ano? sa linggo na matatapat ang ikalabing siyam ng agosto.
salamat sa paalala sa tamang paggamit ng rin at din. madalas akong magkamali dito.
🙂
leis last blog post..konte lang buhok..
LikeLike
witsandnuts
Oo nga, tamang tama pala ‘to sa Linggo ng Wika. Lingguhan na ko magb-blog sa Filipino. Napansin mo ba hindi ko binaybay (spell out) ‘yung 19? Mahina kasi ako sa pagtatagalog ng mga numero/bilang. 😉
LikeLike
Pingback: Kwentong Kayumangi, Ayon sa aming High School Year Book | wits and nuts
aspacio miro"s family
hi!!!!!!!! we like the story .sometimes nga eh malilito ako sa mga words na tagalog eh yun pang natuto ka ng mag english!!!!!!!!
LikeLike
vangie
nakakatuwa, nakasabay ako sa blog mo kasi sa ngayon pag nag-uusap kami ng kaibigan ko, mapa “chat” man o “email” tagalog ang ginagamit ko, baybay na tagalog talaga,..sana laging may ganito, kung minsan kasi sa kaka-ingles natin nakakalimutan na natin ang tamang gamit ng salitang tagalog..isang bagsak para sa’yo (kampay ng kamay ahehe)
LikeLike